DAHIL sa paglakas ng bagyong Basyang, itinaas sa storm signal number 2 ang 13 lugar sa Visayas at Mindanao kaninang umaga, Enero 31, 2014.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nakataas ang signal number 2 sa mga lalawigan ng Cebu, Bohol, Leyte, Southern Leyte, Eastern Samar, Samar, Camotes Island, at Camiguin, Dinagat Province, Surigao del Norte kasama ang Siargao Island, hilagang bahagi ng Surigao del Sur at hilagang bahagi ng Agusan del Norte.
Habang nakataas naman ang signal number 1 sa Masbate, Cuyo Island, Northern Samar, Biliran Island, Aklan, Capiz, Antique, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, Negros Oriental, Siquijor, Misamis Oriental, Misamis Occidental at ang nalalabing bahagi ng Agusan del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Sur, hilagang bahagi ng Bukidnon at Zamboanga del Norte.
Sinabi ng PAGASA na namataan ang mata ng bagyong Basyang sa layong 500 kilometro ng silangan ng Hilagang Hinatuan, Surigao del Sur dakong 10:00 ng umaga.
Si Basyang ay may lakas ng hangin na 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at bugso ng hangin na 80 kilometro bawat oras.
Nabatid sa PAGASA na si Basyang ay inaasahang nasa bisinidad ng Naga City, Cebu ngayong umaga at 133 kilometro ng hilaga-kanluran ng Puerto Princesa City sa Linggo ng umaga.
At sa Lunes ng umaga, inaasahang si Basyang ay nasa layong 729 kilometro ng kanluran hilaga-kanluran ng Puerto Princesa City o inaasahang nasa labas na ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
The post 13 lalawigan nasa storm signal no. 2 appeared first on Remate.