NAKATAKDA nang magretiro bukas, Sabado,ang dalawang senior commissioners ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., matapos ang pitong taong termino ay bababa na sa pwesto sina Commissioners Rene Sarmiento at Armando Velasco.
Sa kabila naman ng kanyang panawagan sa Pangulong Aquino, wala pa rin umano hanggang ngayon na kapalit ang mga ito sa kanilang pwesto.
Dahil sa pagbaba sa puwesto ng dalawa ay matitira na lamang na commissioners ng poll body sina Lucenito Tagle, Christian Robert Lim, Grace Padaca, Elias Yusoph at si Brillantes.
Sinabi ni Brillantes na paghahati-hatian na lamang nila ang mga trabahong maiiwan ng mga magreretirong commissioners.
Inaalok din aniya niya ng consultancy positions ang mga ito upang makatulong pa rin nila sa ginagawang paghahanda para sa May 13 midterm elections.
Malamig sa ideya si Sarmiento dahil ayaw umano nitong mapagbintangang kapit-tuko sa posisyon habang handa naman si Velasco na tumulong sa Comelec sa kahit anong makakayanan niya.
Nitong Biyernes, isang retirement ceremony para sa dalawa ang idinaos sa Comelec kung saan binigyan sila ng mga busts at mga token of recognition dahil sa kanilang magandang serbisyo sa tanggapan.