UMAPELA si Pangulong Benigno Aquino III na magkaroon ng disiplina sa daan ang lahat ng motorista.
Sa paglulunsad sa bagong MMDA Traffic Signal System and Command and Control Center sa Orense St., Guadalupe Nuevo, Makati City ay ipinaalala ng Pangulong Aquino na kahit na siya ay pangulo na ng bansa ay hindi niya kailanman inisip na gumamit ng wang-wang at maghari-harian sa lansangan.
“Sa mga kababayan natin, ipinapaalala ko lang din po…natatrapik din po ako. Kahit mayroong estimated time sa biyahe, naglalagay pa rin ako ng time allowance dahil sumusunod tayo sa batas trapiko at umaayon din sa kondisyon ng kalsada,” ang pahayag ng Chief Executive.
Sinabi pa rin niya na kahit pa minsan ay dumarating ang pagkakataon na natutukso ang bawat indibidwal na makaiwas sa matinding trapiko at pairalin ang init ng ulo ay mangyari aniyang huwag baluktutin ang batas at lusutan ang sistema.
Binigyang diin ng Punong Ehekutibo na kailangan na may paggalang ang bawat motorista sa batas trapiko lalo na sa traffic light.
Sa kabilang dako, hindi naman itinanggi ng Punong Ehekutibo na dahil sa trapiko ay labis na naapektuhan ang ekonomiya ng bansa dahil na rin sa P2.5 bilyon ang nawawala sa kabang-bayan ng bayan kada araw.
Isa aniya sa dahilan nito ay ang patuloy na paglobo ng mga nairerehistrong sasakyan.
Tinukoy ng Pangulong Aquino na noong 2013 ay nakapagtala ng 2 milyon ang rehistradong behikulo sa National Capital Region (NCR) kung saan aniya ay katumbas ito ng 26% sa 7.6 milyong sasakyan na sa buong bansa kaya “ang kasaganaan na dapat sana’y ating makamit ay naiipit din sa gitna ng trapik”.
The post Disiplina sa daan, apela sa mga motorista appeared first on Remate.