TINIYAK ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president at Cebu Archbishop Jose Palma na matagal nang pinatawad ng mga Obispo ng Simbahang Katoliko ang tour guide at Reproductive Health advocate na si Carlos Celdran matapos itong manggulo sa isang banal na misa sa Manila Cathedral noong taong 2010.
Ito’y kasunod ng pahayag ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III na dapat nang patawarin ng simbahan si Celdran dahil sa nagawa nito.
Ayon kay Palma, matagal na nilang pinatawad ni Celdran, gayunman, ang hukuman na aniya ang nagsalita at ang maaari na lamang nilang gawin ay respetuhin ang desisyon nito.
“We can only love and forgive but the decision of the court is the court’s verdict on the matter … we just say amen to the decision,” paliwanag pa ni Palma.
Nilinaw rin ni Palma na walang kinalaman ang CBCP sa pagsasampa ng kaso laban kay Celdran dahil ang Manila Cathedral, na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng Archdiocese of Manila, ang nagsulong ng kaso.
Umaasa naman si Palma na sa kabila nito ay mananaig pa rin ang pagmamahalan at may mga natutuhang leksiyon ang publiko sa proseso na bigyan ng kaukulang respeto ang bawat relihiyon at lugar ng dalanginan.
Una nang pinatawan ng Manila Metropolitan Trial Court ng parusang pagkabilanggo si Celdran matapos na mapatunayang guilty sa kasong offending religious feeling nang gumawa ng eksena habang nagkakaroon ng misa sa Manila Cathedral noong Setyembre 30, 2010 kung saan siya ay pumasok bitbit ang plakard na may nakasulat na ‘Damaso.’
Suot ang damit na katulad ng kay Dr. Jose Rizal, nagsisigaw din ito sa harapan nina Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales, dating Papal nuncio Archbishop Edward Joseph Adams at iba pang Obispo, at sinabing itigil ng mga ito ang pakikialam sa pulitika, na ang tinutukoy ay ang pagtutol ng simbahan sa RH bill. Sanhi nito, inaresto at kinasuhan si Celdran.
Sinabi naman ni PNoy na umaasa siyang mapapatawad na ng mga Obispo si Celdran.