SA piling ng Yolanda survivors sa Tacloban City, Leyte, nagdiwang ng Pasko ang kinatawan ni Pope Francis sa Pilipinas na si Papal Nuncio Archbishop Giuseppe Pinto.
Si Pinto ay bumisita sa Tacloban City kanina upang ipakita ang pakikiisa ng Simbahang Katoliko sa mga taong nabiktima ng super typhoon Yolanda.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), dumating si Pinto sa Tacloban City dakong 9:00 ng umaga upang personal na alamin ang kalagayan ng Yolanda survivors.
Sinalubong ang Papal Nuncio ng mga pari at mga Obispo sa lugar at sinamahan sa pagbisita sa mga survivor sa mga evacuation center, kung saan namahagi rin siya ng relief goods.
Ayon kay Palo (Leyte) Archbishop John Du, sa Leyte nagdiwang ng Pasko si Pinto at pansamantalang tumuloy sa Palo archbishop’s residence, na nasira rin ng bagyo.
Pinangunahan din ng Papal Nuncio ang isang pagtitipon ng clergy at mga relihiyoso bago pinangunahan ang isang midnight mass, 10:00 ng gabi sa Cathedral of Our Lord’s Transfiguration sa Palo.
Si Pinto rin umano ang mangunguna sa isang misa ngayong araw ng Pasko sa Sto. Niño Church sa Tacloban City, dakong 10:00 ng umaga, bago tuluyang bumalik sa Maynila.
Matatandaang Nobyembre 8 nang manalasa ang super bagyo sa Central Visayas, kung saan isa sa mga lugar na pinakaapektado ay ang Tacloban City.
Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa 6,109 ang bilang ng mga taong nasawi dahil sa super bagyo, 28,626 ang nasugatan at 1,779 pa ang nawawala.
The post Kinatawan ng Pope naki-Pasko sa Yolanda survivors appeared first on Remate.