POSIBLENG gawing consultants ng Commission on Elections ang dalawang commissioner na nakatakda nang magretiro sa ika-2 ng Pebrero sa susunod na linggo.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., sang-ayon aniya sa batas ay hindi na maaaring i-extend pa ang panunungkulan nina Commissioners Rene Sarmiento at Armando Velasco.
Gayunman, plano naman silang kunin bilang consultants sa nalalapit na halalan.
“Sa Sabado ho ang retirement nila, February 2. Nandyan po si Commissioner Sarmiento at Commissioner Velasco pero last week na ho nila ngayon. By Saturday retired na ho sila so by Monday next week, lima na lang ho muna kami.” ayon kay Brillantes.
Sinabi pa ni Brillantes na maaari naman nilang pakiusapan ang dalawang komisyuner na manatili bilang consultants at yun aniya ang alternatibo kung nais pa ng dalawa na tumulong sa ahensya.
Sa ngayon, wala pang napipisil na posibleng pumalit sa babakantehing puwesto ng dalawa.