PLANO ng mga magulang ng 17-anyos na balut vendor na dumulog sa tanggapan ng bagong hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Director Carmelo Valmoria upang mabigyan ng hustisya ang kanilang anak na pinaslang ng dalawang armadong salarin habang nagtitinda noong nakaraang Huwebes ng gabi sa Paranaque City.
Kinilala ang biktima na si Jerson Amida, residente ng Purok IV, Silverio Compound, Brgy. San Isidro na agad binawian ng buhay matapos pagbabarilin ng mga suspek na nakilala lamang sa alyas Fahhad at Suharto habang nagtitinda ng balut sa kahabaan ng Angel Lopena St., Sunrise Drive, 4th Estate, Brgy San Antonio alas-10:15 ng gabi.
Sa isinagawang imbestigasyon nina SPO1 Danilo Monserrat at PO1 Pio Calvo, Jr. ng Station
Investigation and Detective Management Branch ng Paranaque police, nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang binatilyo na naging dahilan ng agaran niyang pagkamatay.
Wala namang nakuhang basyo ng bala ang pulisya sa lugar na pinangyarihan ng krimen at tanging isang depormadong tingga mula sa hindi batid na kalibre ng baril ang nakuha kaya’t may hinala ang mga imbestigador na isang uri ng revolver ang gamit ng mga salarin sa ginawang pamamaslang.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa pamamaslang sa biktima.
The post Pamilya ng pinaslang na balut vendor sumisigaw ng hustisya appeared first on Remate.