NANGANGAMBA ang militanteng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay sa pagbugso ng mga foreign investments sa bansa na inanunsyo ni Pangulong Aquino sa pagbalik niya sa bansa mula sa World Economic Forum na ginanap sa Davos, Switzerland.
Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Gloria Arellano, hindi trabaho ang hatid na mga papasok na foreign investments sa bansa bagkus ay malawakang demolisyon ng mga kabahayan ng maralitang lungsod, at pagsasapribado sa mga pampublikong serbisyo ng gobyerno gaya ng nakaamba sa sektor ng kalusugan.
Ayon pa sa grupo, kasinungalingan lamang ang kampanya laban sa korapsyon sa bansa ng administrasyong Aquino na umano’y nagbigay-daan upang maakit ang mga dayuhan na mag-invest sa bansa. “Ang Daang Matuwid ni Aquino ay bahagi lamang ng pagkokondisyon upang bigyang katwiran ang pagsasapribado ng mga pampublikong ari-arian, pasilidad at serbisyo sa bansa upang pagkakitaan ng malalaking dayuhan at lokal na negosyante,” paliwanag ni Arellano.
Inaasahang aabot sa 1.4 milyong pamilyang maralita sa Metro Manila ang nakaambang tanggalan ng tahanan ng gubyerno sa pagpapatupad nito ng unang 14 na proyekto sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) katuwang ang mga dayuhang mamumuhunan. Nangunguna na sa listahan ng mga PPP project ang Laguna Lake 2000 na magpapalayas sa tinatayang 4 milyong residenteng nakatira sa paligid ng lawa.
“Liban sa planong malawakang pagpapalayas sa mga maralita sa kanilang mga komunidad, marami rin sa kanila ang nakaambang mawalan ng trabaho at malayo sa pinagkukunan ng kanilang kabuhayan,” ani Lea Valencia, Kadamay-NCR secretary-general na kinondena ang ginagawang pagpapalayas sa mga Luneta vendors dahil sa pagpasok ng isang Korean investor na umano’y mamamahala sa national park.
Samantala, sinimulan na umano ng gubyernong Aquino ang pagpasok ng mga dayuhang negosyante sa pagpapatakbo ng mga paggamutan sa bansa matapos ilunsad ng PPP Center at Department of Health ang pre-bidding ng Modernization of the Philippine Orthopedic Center ngayong buwan. Dinaluhan ito ng mga dayuhang negosyanteng nais magpondo sa pribatisasyon ng nasabing ospital sa halagang P5.4 bilyon.
Ayon sa Kadamay, ikamamatay ng libu-libong maralitang pasyente ang planong pribatisasyon ng mga pampublikong ospital sa bansa dahil sa pagtaas ng halaga ng serbisyong kaakibat ng pribatisasyon.
“Sa halip na manghikayat ng mga dayuhang mamumuhanan upang pasiglahan ang naghihingalong ekonomiya ng bansa, dapat ipatupad ng gubyernong Aquino ang isang programa ng pambansang industriyalisasyon na hindi kontrolado ng mga dayuhan,” ani Arellano.
Tanging ito umano ang maglilikha ng laksa-laksang trabahong kinakailangan ng hindi mahigit 10 milyong Pilipino kapos at walang trabaho.