NAGLATAG ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng dalawang tsunami early warning system sa Sarangani Bay.
Sinabi ni Rene Punzalan ng Sarangani Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), na inilagay ang kagamitan na magmo-monitor sa lebel ng tubig-dagat sa pantalan na nasa bukana ng Sarangani Bay at nakaharap sa Pacific Ocean at Celebes Sea.
Inilagay naman ang pangalawang tsunami early warning system sa baybayin ng Barangay Ladol sa bayan ng Alabel na kamakailan lamang ay napabalitang nagkaroon ng abnormal o extreme low tide na lumikha ng takot sa mga residente sa pangambang may parating na tsunami na isa ang namatay nitong nakaraang Nobyembre lamang.
Magiging operational ang mga naturang tsunami early warning system sa Sarangani Bay sa katapusan ng buwan.
Samantala, na-monitor ng PHIVOLCS ang magnitude 4.4 bandang alas-2:06 Sabado ng madaling-araw sa Celebes Sea na nasa 337 kilometro (km) sa timog silangan ng South Ubian, Tawi-tawi.
Subalit sa lalim na episentro ng lindol na umabot ng 549 km. ay hindi na ito naramdaman sa kalupaan.
Magugunitang sa bahagi rin ng Celebes Sea nangyari ang magnitude 7.9 na lindol noong Agosto 17, 1976 na nakalikha ng tsunami sa Moro Gulf na kumitil ng mahigit 6,000 katao.
The post Tsunami warning system inilatag sa Sarangani Bay appeared first on Remate.