KINAKAILANGAN muna ng birthing homes na kumuha ng License to Operate (LTO) mula sa Department of Health (DOH) bago maisyuhan ng local permit at tuluyang makapag-operate.
Ito ang inianunsiyo ng DOH– National Capital Region (NCR) at sinabing sinimulan na rin nila ang pagpapadala ng mga notipikasyon sa iba’t ibang birthing homes sa bansa, maging sa government at private-owned man ito, hinggil sa naturang direktiba.
Ayon kay Regional Director Eduardo Janairo, nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga alkalde ng 17 local government units (LGUs) sa Metro Manila upang bago isyuhan ng business at sanitary permit ang mga aplikante, partikular na ang mga sangkot sa birthing home operations, na pakuhanin muna ang mga ito ng LTO mula sa Licensing, Regulation and Enforcement Division ng DOH-NCR.
Nabatid na ito’y bilang pagtalima rin sa DOH Administrative Order No. 2012 – 0012 na may titulong “Rules and Regulations Governing the New Classification of Hospitals and Other Health Facilities in the Philippines”, na nagsasaad na ang infirmaries at mga birthing home ay kinakailangan munang lisensiyado ng DOH, sa pamamagitan ng mga regional office nito.
Ang birthing home ay isang pasilidad na nagbibigay ng birthing service sa prenatal at post-natal care, normal spontaneous delivery at pag-aalaga sa mga bagong silang na sanggol.
Kinakailangang ito’y pinamamahalaan ng isang physician – obstetrician – gynecologist, pediatrician, family medicine specialist, general practitioner, midwife and/or nurse.
Kaugnay nito, nabatid na ang naturang LTO ay inaasahang magiging requisite na rin para sa PhilHealth accreditation, alinsunod naman sa PhilHealth Circular No. 0033, s. 2013, na nagsasad na simula sa Enero 1, 2015, ang LTO na inisyu ng DOH CHD ay magiging requirement na rin para sa initial at renewal ng akreditasyon ng mga birthing home.
Naniniwala si Janairo na sa pamamagitan ng pagtiyak na lahat ng birthing homes ay lisensiyado, mababawasan ang maternal mortality, at mababantayan at matitiyak ang maayos na panganganak sa mga bagong silang na sanggol, hindi lamang sa mga urban area kundi maging sa mga rural area.
The post Birthing homes dapat may license-to-operate na appeared first on Remate.