BALEWALA kay dating Customs Commissioner Ruffy Biazon ang bansag ng ilang kritiko na naging sacrificial lamb siya ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino.
Ito’y matapos magbitiw sa puwesto ang dating mambabatas ng Muntinlupa sa harap ng kaso kaugnay ng P10 bilyong pork barrel scam.
“Tanggap ko ‘yung [pork scam case] na desisyon ng DOJ (Department of Justice). At this point, if that (sacrificial lamb) is the role I am playing, so be it. Kung dito maipapakita na ang administrasyon ay hindi tumitingin sa kulay ng partido, so be it.”
Hindi rin aalis ang nagbitiw na Customs chief, at maging ang kanyang amang si Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon, sa Liberal Party (LP) ni PNoy.
“We believe in the Liberal Party. We believe in the President.”
Sa panayam, muling binigyang diin ni Biazon na bukod sa kanyang pamilya, nais niyang maprotektahan si PNoy laban sa panibagong kontrobersya lalo’t kilala siyang kaalyado nito.
Isinasangkot ang dating Customs chief sa umano’y pagbibigay ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa bogus na organisasyon ni Janet Napoles noong nanunungkulan pa bilang kongresista ng Muntinlupa.
Mariing itinanggi ni Biazon ang akusasyon, pero naniniwala siyang sasamantalahin lang ng ilang “kalaban” ang isyu kung kakapit siya sa pwesto.
Aminado si Biazon na hindi niya nakumpleto ang layuning makapagpasa ng amyenda sa batas ng Customs na makapagpapabago sana sa sistema nito. Ito’y dahil hindi ito pumasa sa 15th Congress bagama’t tinatrabaho pa rin ngayon.
Umaasa siyang maipagpapatuloy ito ng susunod sa kanya at matatapos din ngayong termino ni PNoy.
Kaugnay na rin ng pagtatalaga ng Pangulo ng bagong pinuno sa ahensya, umaasa si Biazon na matatag ang mapipili nito. Dapat anya ‘yung “hindi titiklop in the face of temptation.
The post Isyung ‘sacrificial lamb’ balewala kay Biazon appeared first on Remate.