NAKALABAS na ng Pilipinas si dating Agusan Del Sur Congressman Rodolfo Plaza at limang iba pa na isinasangkot sa pork barrel scam sa Ombudsman at kasama sa 35 isinailalim sa look out bulletin ng Bureau of Immigration.
Ito ang kinumpirma ni BI Spokesperson Maan Pedro batay sa isinagawa nilang beripikasyon sa kanilang rekords.
Nabatid na si Plaza ay nakaalis ng Pilipinas nito lamang buwang kasalukuyan patungo sa isang bansa sa Asya.
Setyembre rin ng taong kasalukuyan nang makabiyahe sina Dennis Cunanan, Director General ng Technology Resource Center.
Sina Atty. Jessica Lucila “Gigi” Reyes, dating Chief of Staff ni Senador Juan Ponce Enrile at Ruby Tuason, representative nina Enrile at Senador Jinggoy Estrada, ay nakaalis nitong Agosto 2013.
Si Atty. Richard Cambe, staff ni Senador Ramon Bong Revilla, ay nakaalis naman noon pang Mayo 2012 habang si Mylene Encarnacion, presidente ng Countrywide Agri and Rural Economic and Development Foundation Incorporated ay noon pang Agosto 2008 nakaalis ng Pilipinas.
Sinabi ni Pedro na nagpapatuloy pa ang verification nila sa kanilang travel records at posibleng madagdagan pa ang kanilang listahan.
The post 5 sangkot sa pork barrel scam nakalabas na ng bansa appeared first on Remate.