UMAASA ang Malakanyang na susunod sa batas si Laguna Lake Development Authority (LLDA) general manager Nereus “Neric” Acosta na mayroong warrant of arrest mula sa Sandiganbayan.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, naniniwala silang may paggalang sa batas si Acosta kaya’t hindi na kailangan na paalalahanan pa itong sundin ang batas.
“We expect Secretary Acosta to follow the rule of law and to follow the proper legal procedures especially when it comes to this case,” ani Usec. Valte.
Kamakalawa ay nagpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban kay dating Bukidnon Rep Nereus “Neric” Acosta at sa ina nitong si Socorro kaugnay sa perjury charges laban sa mga ito.
Ang chairmanng Sandiganbayan 5th Division, Associate Justice Roland Jurado, ang lumagda sa arrest warrant.
Maaaring magpiyansa ang mag-inang Acosta ng P6,000 bawat isa para sa pansamantalang paglaya ng mga ito.
Ang mag-inang Acosta ay inakusahan na gumawa ng pekeng deklarasyon ng kanilang counter-affidavits na kanilang isinumite sa Office of the Ombudsman may pitong taon na ang nakakaraan.
Ang perjury complaint ay isinampa noong Oktubre 2012 ng isang nagngangalang Fernando Balansag.
Ang orihinal na kaso ni Acosta ay nag-ugat sa hindi makatuwirang paglilipat ng P5.5 million sa Priority Development Assistance Fund (PDAF), o pork barrel, ng lalaking Acosta sa isang non-government organization na pinatatakbo ng sarili nitong kamag-anak, ang Bukidnon Vegetable Producers’ Cooperative (BVPC).
Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees at RA 3019, o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sinabi ni Balansag na nagsinungaling ang mag-inang Acosta sa kanilang counter-affidavits nang sabihin ng mga ito na sinang-ayunan ng Sangguniang Bayan ng Manolo Fortich ang paglilipat ng nasabing pondo.
Si Socorro Acosta ay dating Alkalde ng Manolo Fortich town habang si Neric Acosta ay miyembro naman ng Liberal Party ni Pangulong Benigno Aquino III.