KAKAIBANG kilos-protesta ang inilunsad ng mga maralita sa komunidad ng Plastikan, Barangay Commonwealth, Quezon City para iparating kay Pangulong Aquino ang kanilang panawagan na agarang pagbasura pork barrel system.
Naglunsad ang ilang maralita ng programa sa tabi ng estero sa loob ng komunidad na siyang pinagmumulan ng kabuhayan ng mahigit 200 maralitang pamilya. Sila ay nabubuhay sa paghuhugas ng mga plastik na nalikom mula sa Payatas Landfill.
Ayon kay Normelito Rubis, lider ng ng grupo, nais nilang ipakita na sa kabila ng pagsusumikap ng mga maralita upang mabuhay, nanatiling mailap pa rin ang pag-unlad para sa kanila. Pangunahing nasa likod ang korapsyong kanakasangkutan ng mga lider ng bansa.
Nanawagan ang grupo na ilaan na lamang sana ni Aquino ang P1.3 triilyong pork barrel nito sa paglikha ng trabaho para sa milyun-milyong maralitang walang permanenteng trabaho sa bansa.
Babala sa pangulo
Inaasahan ang pagsambulat ng galit ng taumbayan kaugnay sa pork barrel scam at korapsyon sa bansa.
Ayon kay Carlito Badion, secretary-general ng KADAMAY, inaasahan nilang lalahok sa malalaking protestang ikakasa sa mga darating na araw ang libu-libong maralitang lungsod partikular mula sa Metro Manila at karatig rehiyon.
Muling pinapaalala ni Badion sa pangulo na huwag maliitin ang papel ng maralitang lungsod sa mga nagdaang EDSA People Power Revolution na nagpatalasik sa dalawang pangulo ng bansa.
“Parang mga langgam na winawasak ang kanilang mga bahay, hindi na dapat ikagulat ni Aquino kung laksa-laksang lalabas ang mga maralitang lungsod mula sa kanilang mga komunidad upang lumahok sa mga kilos protesta sa lansangan sa mga darating na araw. Kabilang na dito ang EDSA Tayo sa Setyembre 11 at ang malalaking protestang ikakasa ng #AbolishPorkMovement sa Setyembre 13 at 21,” ani Badion.
Ayon pa sa KADAMAY, liban sa demolisyon at tumitinding kahirapan sa bansa, lubos din umanong ikinagagalit ng maralita ang paggamit ni Aquino sa kanilang ‘kapakanan’ upang bigyang katwiran ang taun-taong pagtaas ng national budget, habang bilyun-bilyong pondo naman ang napupunta sa bulsa ng pangulo at ng mga kongresista.
Liban sa pagpapatalsik kay Aquino, panawagan din ng KADAMAY, kaparehas ni Manila Archbishop Cardinal Tagle, ang pagpapalit ng kasalukuyang sistema, na ayon sa grupo sa kontrolado ng malalaking dayuhan at lokal na negosyante at panginoong maylupa.
The post Mga maralita nanawagang ibasura ang pork barrel ni Aquino appeared first on Remate.