NAGLAGAK kanina, Enero 24, 2013 ( Huwebes) ng piyansang P10,000 sa Quezon City Regional Trial Court ang showbiz writer na si Jobert Sucaldito para sa kanyang pansamantalang kalayaan kaugnay ng kasong libelo na isinampa ng TV host-comedian na si John “Sweet” Lapus.
Sinabi ni QC RTC Branch 77 Judge Germano Francisco Legaspi, si Sucaldito ng 11 Ermin Garcia St., Barangay Pinagkaisahan, Cubao,QC ay boluntaryong sumuko sa korte matapos magpalabas ng arrest warrant laban sa kanya.
Dahil sa maagap na paglalagak ng piyansa ng showbiz writer, agad na ipinatanggal ng korte ang kopya ng warrant of arrest laban kay Sucaldito na naipadala sa National Bureau of Investigation, Philippine National Police at sa QC Police District.
Kaugnay nito, itinakda ng korte ang pagbasa ng sakdal kay Sucaldito sa Marso 18, ng 8:30 ng umaga.
Gayunman, sinabi ng korte na ang mga kapwa akusado sa kasong libelo na sina Eileen Mangubat, publisher ng tabloid newspaper na Bandera ay hindi pa naglalagak ng piyansa.
Sa rekord ng korte, noong March 7, 2011, si Lapus o Jonathan Anthony Lapus sa tunay na buhay ng 10-C St. Mary St. Corner St. Benedict Street, Paradise Village, Project 8, QC ay nagsampa ng kasong libelo laban kay Sucaldito matapos isulat nito sa kanyang kolum sa Bandera na si Lapus ay nagwala sa isang comedy bar at pinuwersa ang isang lalaki roon na makipag-sex sa kanya.