NAIRITA ang ilang konsehal ng Quezon City matapos madiskubre na nag o-operate ang ilang E-Games casino ng walang special use permit sa ginanap na public hearing sa konseho kaninang umaga.
Sa public hearing sa QC council Ways and Means Committee na pinamumunuan ni First District Councilor Victor “Jun” Ferrer, nadiskubre na ilang E-Games online casino ay may “perpetual special permit” o maaaring mag-operate kahit walang Special Use Permit (SUP) na inisyu ng city council simula pa noong 2005.
Kinuwestsyon ni 3rd. District Councilor Pinggoy Lagumbay kung bakit nag-ooperate ang ilang E-Games casino operator at binibigyan ng business permit ang mga ito kahit walang SUP (Special Use Permit).
Ginisa ni Lagumbay sa kanyang pagtatanong sa hearing si dating Business Permit and Licensing Office (BPLO) Chief Pacifico “Pax” Maghacot na mismong nagmamay-ari ng tatlong online casino outlets matapos sabihin ng huli na ilan sa kanila ay walang Special Use Permit.
Ikinairita naman ni Councilor Jun Ferrer kung bakit may business permit ang mga E-Games Casino kahit walang Special Use Permit na ibinibigay ng city council sa mga ito.
Sinabi ni Ferrer na dapat sundin ng may 32 E-Games casino outlet sa lungsod ang pulisya ng pamahalaang lungsod at kinakailangang kumuha ang mga ito ng Special Use Permit sa kanilang operasyon.
Napikon naman ang kasalukuyang QC Business Permit and Licensing Office chief Gary Domingo kung bakit nabigyan ng business permit ang mga naturang operator ng E-Games casino kahit walang SUP matapos tanungin ng mga reporter.
The post Konsehal sa QC nairita sa E-Games casino appeared first on Remate.