HINIMOK ng Malakanyang ang publiko na tangkilikin ang NFA rice kung namamahalan sa commercial rice.
Ani Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, talagang may nagtitinda ng bigas ang sinasamantala ang panahon na binayo ng Habagat at Bagyong Maring ang mga pananim sa bansa.
“Kaya nga ho nagpapalabas sila ‘nung NFA rice para meron hong magandang alternative naman iyong ating mga kababayan,” ani Usec. Valte.
Sa kabilang dako, umapela naman ang Malakanyang sa ilang indibidwal na tigilan ang pagpapasa ng text message na nagbibigay ng panic sa publiko na hindi sapat ang suplay ng bigas sa bansa.
“Sa may Commonwealth dahil meron daw hong nagpaikot ‘nung texts na namimigay daw ho ang NFA ng libreng bigas kaya ang dami hong pumila. Ang akala ho ‘nung ibang nakakita e may shortage kasi may pila. But rest assured, ‘nung nag-deploy ho sila ng mga tauhan kanina naman doon sa mga Pamilihang Bayan natin ay okay naman daw po,” aniya pa rin.
Tiniyak naman aniya sa kanya ni DA Sec. Proceso Alcala na patapos na ang lean season at asahan nang babalik sa normal ang presyo ng bigas.
Kasalukuyan namang tinitingnan ng NFA ang ulat na may nagho-hoard ng bigas.
Samantala, tiniyak nito na sapat ang suplay ng bigas ngayong taon.
The post NFA rice tangkilikin – Malakanyang appeared first on Remate.