“HUWAG ninyo akong takutin!”
Ito ang babala ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa bus operators at bus drivers na kanyang nasampolan kaninang umaga makaraang mangahas na pumasok sa nabatid na lungsod.
Mistulang susugod sa isang giyera si Estrada suot ang “camouflage attire” nang pumunta sa Mabuhay Welcome Rotonda sa Espana kung saan siya at si Vice Mayor Isko Moreno mismo ang nanguna sa panghuhuli sa mga bus na galing sa Quezon City.
Nakipag-usap din si Erap kay Atty. Ferdinand Topacio, na kumakatawan sa mga bus operator at nanindigan na ipatutupad pa rin ang bus ban sa Maynila sa kabila ng ipinaglalaban na prangkisa ng bus operators.
Nakahanda rin si Erap na harapin sa korte ang bus operators.
Samatala, in-impound ang anim na bus na nahuli at kakasuhan ang mga driver ng paglabag sa ordinansa ng lungsod.
Kabilang sa mga nasampolan ang mga sumusunod, Fairview-Baclaran via Quezon Avenue, Greenline Express – UYC 165, na minamaneho ni Junbeth Baron; Corimba express – UVC 499 na minamaneho ni Nonoy Baguio; Thelma Transit – UWE 224 na minamaneho ni David Gemena; Thelma Transit – UWF 534 na minamaneho ni Jonathan Bucio; Safeway – UVJ 465 na minamaneho ni Christian Sopirales at Universal Guiding Star – UVE 231 na minamaneho ni Dominador Valdez.
Ayon naman kay Vice Mayor at Traffic Czar Isko Moreno na pinaghuhuli ang mga ito dahil sa kabiguang sumunod sa panuntunan sa itinalagang lugar na babaan-sakayan at pagkakaroon ng terminal sa loob ng lungsod.
Dagdag pa ni Moreno na nasa lokal na gobyerno ng Maynila ang hurisdiksyon sa mga kalye nito kahit pa may inisyung prangkisa ang LTFRB sa mga operator.
“Kung gusto nila makapag-hanapbuhay, sumunod lang sila sa maliit na panuntunan na ipinatutupad ng pamunuan ng Maynila,” ayon kay Moreno.
Kinunan ng mga lisensya at mahaharap sa kasong obstruction ang mga nahuling tsuper.
Samantala, nagkaroon naman ng dayalogo sa pagitan nina Estrada, Moreno, mga bus operators at ng may-ari ng Park and Ride terminal operator na si Estellita Javier kung saan ay nagkasundo sila na kalahati na lamang ang ibabayad na security bond ng mga bus operator depende sa bus na pinapayagan ng city government.
The post Pasaway na bus drivers na nangahas pumasok sa Maynila hinuli appeared first on Remate.