ILALAAN ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ang bahagi ng kita ng mga pelikulang lumaban sa takilya sa mga biktima ng bagyong Pablo.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino, overall chairman ng MMFF, dadalhin ang bahagi ng kinita sa New Bataan, Compostela Valley at Cateel, Davao Oriental.
Partikular na tututukan ng pagbibigay ng tulong ng MMFF ang mga paslit na siyang pinakamatinding naapektuhan ng naturang kalamidad. Marami sa mga ito ay hindi lang nawalan ng tahanan ngunit maging ng kanilang mga mahal sa buhay, edukasyon, at kinabukasan, ayon kayTolentino.
Pinulong ng MMDA sa naturang hakbangin ang mga producer at casts ng walong entry sa MMFF at buo ang suporta ng mga ito para tulungan ang libo-libong biktima ng bagyo.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot sa P36 bilyon ang ari-ariang winasak ng bagyo. Kabilang dito ang P7.5 bilyon sa mga imprastruktura, P26.5 bilyon sa agrikultura, at P2.8 bilyon sa mga pribadong pag-aari.
Umaabot na sa 1,067 ang naitalang nasawi, nasa 2,666 ang nasaktan at 834 pa ang kasalukuyang nawawala. Aabot naman sa 711,682 pamilya o 6.2 milyong katao ang naapektuhan sa 318 bayan at 40 lungsod sa 34 probinsya.