MAKAPAPASOK na sa Maynila ang mga bus ngunit nilinaw naman ni Manila Mayor Joseph Estrada na ‘experimental’ pa lamang ang ipinatutupad na bus ban sa lungsod.
Ayon kay Erap, pinag-aaralan pa nila mabuti ang solusyon sa masikip na daloy ng trapiko kaya pansamantala lamang ang ipinatupad na ‘temporary arrangement’ ngayong araw.
Aniya, hindi kaagad-agad masosolusyunan ang masikip na daloy ng trapiko dahil kailangan ding isaayos ang mga sidewalk at linisin ang mga ilegal na vendors sa kalsada.
Umapela si Erap na bigyan pa sila ng sapat na panahon upang maging perpekto ang pagpapatupad ng bus ban.
Magugunitang umani ng batikos ang bus ban kaya nagdesisyon ang pamahalaang lungsod na repasuhin ito at payagan na ang mga bus na walang sariling terminal na makapasok sa lungsod subalit nagtalaga na lang ng loading at unloading zone.
Ayon naman kay Vice Mayor Isko Moreno, papayagan lamang na makapasok sa Maynila ng 10 unit mula sa bawat bus company na may balidong prangkisa ang maaaring pumasok sa lungsod simula ngayong Lunes.
Kailangan namang mayroong license plate at body number na naka-display at sticker ng “Park and Ride” terminal ang mga bus kungsaan pirmado rin ng bise alkalde.
Ang mga bus na manggagaling sa Quezon City ay papayagang magbaba at magsakay lamang sa España Boulevard, Park and Ride terminal, at ilang bahagi ng Taft Avenue.
Ang mga bus naman mula sa Pasay at Makati ay maari namang magbaba at magsakay sa Quirino, Taft, Park and Ride, at ilang bahagi ng España at A. Lacson.
Ang mga mula naman sa San Juan City ay papayagang dumaan sa V. Mapa, Pureza, Ramon Magsaysay Boulevard, Ayala Bridge, at Park and Ride.
Nabatid na huhulihin ang mga bus na papasok sa Maynila na walang nakakabit na sticker.
Sinabi ni Sagaysay na ang mga bus mula sa Quezon City ay papayagan lamang tumigil sa Espana-UST sa ilalim ng footbridge, sa Multi-Modial Terminal sa Liwasang Bonifacio, sa Park & Ride Terminal, Taft Avenue-Rizal Park, at Pres. Quirino-Taft Avenue.
Para sa mga manggagaling ng Pasay City o Makati, sa Pres. Quirino-Taft Avenue, Park & Ride Terminal, at pagtawid ng Espana- A. Lacson patungo ng Quezon City. Sa mga magmumula ng San Juan ay sa V.Mapa/Centerpoint, Pureza-RMBlvd., TIP sa P.Casal/Ayala Bridge, Park&Ride Terminal. At pabalik na muli sa ruta nila via San Juan sa Centerpoint na lang sila uli papayagan magbaba o magsakay.
The post Bus ban sa Maynila,’experimental’ pa lang – Erap appeared first on Remate.