TUTUKUYIN na ng Commission on Elections (Comelec) kung anu-anong partidong kalahok sa halalan ang bibigyan ng mga kopya ng election returns (ERs) at certificates of canvass (COCs) sa May 13 midterm elections.
Sa ipinalabas na Resolution 9611, sinabi ng Comelec na aalamin na ngayon ng poll body kung alin-alin ang mga ituturing na dominant majority party, dominant minority party, 10 major national parties, at dalawang major local parties na mabibigyan ng kopya ng ERs at COCs.
Batay sa Republic Act 9369 o ang Poll Automation Law, ang ika-lima at anim na kopya ng election returns (ERs) at ika-pito at walong kopya ng Certificates of Canvass (COCs) ay ibibigay sa majority at minority party.
Bibigyan rin ng kopya ng electronically-transmitted precinct results ang dominant majority at minority parties habang ang ika-18 printed copy ng ERs at COCs ay ibibigay naman sa 10-accredited major national parties.
Ang ika-19 at ika-20 kopya naman ng ERs at COcs ay ibibigay sa dalawang accredited major local parties.
Bukod sa kopya ng ER, makakaasa rin ang mga ito na bibigyang prayoridad ang kanilang official watchers sa polling precincts.
Nabatid na tutukuyin ang mga partido batay sa kanilang rekord sa mga nakalipas na eleksyon, bilang ng incumbent elective officials na kasapi, political organizations batay sa kanilang organized chapters; kakayahang makapuno ng kumpletong hanay ng mga kandidato mula municipal level hanggang senado, at iba pang factor na magpapakita ng lakas ng partido.
Sa nakalipas na halalan, ang Lakas-Kampi-CMD party ang idineklarang dominant majority party habang ang Liberal Party (LP) ang dominant minority party.
Ayon sa Comelec, may hanggang Pebrero 15 lamang ang mga partido para maghain ng petisyon sa office of the Clerk of the Commission na mayroong filing fee na P10,100.