SABOG ang ulo ng isang isang lalaking nagmamay-ari ng kainan sa Quezon City Memorial Circle (QCMC) nang pagbabarilin ng isa sa dalawang armadong kalalakihan na sakay sa motorsiklo kaninang hapon.
Dead on the spot sanhi ng tinamong isang tama ng bala ng .40 kalibre ng baril sa kanang bahagi ng ulo ang biktima na si Domingo Barrameda Tañegra, 64-anyos.
Matapos maikasa ang pamamaril, naglakad lamang ang suspect patungong Elliptical Road at sumakay sa isang motorsiklo na may naghihintay na kasamahan.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas 12:45 ng tanghali sa mismong karinderya ng biktima na nasa loob ng QCMC.
Sa imbestigasyon ng QCPD station 10, bago ang pamamaril ay nasa karinderya ang biktima at abalang nagsusukli sa kanyang kustomer nang biglang sumulpot sa kanyang harapan ang suspect at binaril siya sa ulo.
Inilarawan naman ang suspect na 40-45 anyos, 5’4, naka-t-shirt, maong shorts at sumbrero.
Sa panayam sa asawa ng biktima na si Rose, nasa kabilang pwesto siya nang barilin ang kanyang asawa.
Walang malamang motibo ng away ang naturang ginang dahil mabait ang kanyang mister at 2006 pa aniya sila nagtitinda sa loob ng Circle.
Inggit sa negosyo ang isa sa sinisilip ng QCPD na motibo sa krimen.
The post May-ari ng karinderya sa QC memorial Circle, todas sa pamamaril appeared first on Remate.