UNFORTUNATE kung ituring ng Malakanyang ang naging desisyon ng Korte Suprema na palawigin pa ang status quo ante (SQA) order kontra sa implementasyon ng Reproductive Health Law.
Ani Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, bagama’t nakakalungkot ang desisyon na ito ng Mataas na Hukuman ay nirerespeto naman ng pamahalaan ang desisyon.
Aniya, may bitbit na epekto ang pagkakabinbin na ito ng implementasyon ng RH Law lalo na sa mga programa ng gobyerno ukol sa pagpaplano ng pamilya.
“Then the net effect will be that there will be no implementation while the SQA is in effect. So that is… It is essentially extending the non-implementation of it,” ayon sa opisyal.
Sa botong 8-7, pinalawig ng Korte Suprema ang naturang kautusan hangga’t walang bagong desisyon sa kaso.
Sa ulat, sa ginanap na oral argument noong nakaraang Linggo, tumagal nang halos tatlong oras ang pagsalang sa isa sa mga petisyuner na si Atty. Maria Concepcion Noche, matapos maglahad ng kanyang argumento.
Naging kontrobersiyal ang usapin na mali na ipapamahagi sa publiko ang mga paraan sa contraception at fertility control.
Kumbinsido si Noche na hindi nabibigyan ng maayos na pagpipilian ang publiko dahil patuloy na itinatanggi ng mga respondent lalo ng DoH ang negatibong epekto ng contraceptives na may kakulangan sa information dissemination.
Nababahala naman si Noche sa hindi ligtas na pamamahagi ng contraceptives na walang supervision na aniya’y mapanganib.
The post Desisyon ng SC sa RH law, unfortunate – M’cañang appeared first on Remate.