DEAD on the spot ang dalawang kawani ng isang bus company na sinasabing may dala-dalang payroll money na ngayo’y nawawala matapos pagbabarilin sa loob ng kanilang sasakyan sa Sta Rosa City, Laguna.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame kahapon ng umaga mula sa PNP Sta. Rosa, kapwa nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang mga biktimang sina Diosdado Panganiban at Roberto Cabatay, kapwa empleyado ng CNG Bus company.
Nabatid na sinisiyasat pa rin ng mga awtoridad kung puwersahang pinahinto ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang sasakyan ng mga biktima na nakitang nakaparada at umaandar pa ang makina sa may Sta. Rosa-Tagaytay Road, sakop ng Barangay Sto. Domingo, Sta. Rosa City, ng nabangit na probinsiya.
Sa impormasyong ibinahagi ni P/Supt. Edwin Wagan, hepe ng Sta. Rosa Police, naabutan ng mga tauhan niya na nasa gitna ng kalsada at nakabukas pa ang makina ng puting Toyota Hi-ace van na may plakang NAQ 908 na sinakyan ng dalawang duguang biktma.
Lumabas sa pagsusuri na sa harapan nagmula ang bumaril sa dalawa base sa nakitang butas sa windshield na nilusutan ng bala na tumama sa kanilang mga ulo.
Nabatid pa na nawawala ang payroll money ng kompanya na aabot sa P245,000.00 kaya’t malaki ang posibilidad na isang kaso ito ng robbery in band.