IKAKASA ang batas sa nangyaring pagsadsad ng barkong pangdigma ng Estados Unidos sa Tubbataha Reef sa Sulu Sea.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na ipinaubaya na nila sa Department of Foreign Affairs (DFA) na pangunahan ang imbestigasyon at maparusahan ang mga dapat parusahan sa nangyaring pagkasira ng mga corals sa Tubbataha Reef na una nang ideneklara bilang World Heritage ng UNESCO.
“Well, there are laws that we have to implement because it is a World Heritage site. Titingnan po natin what the investigation will yield of the concerned agencies and then, kung ano ho ‘yung magiging recommendations po nila and then, we move forward with the guidance of what the law provides,” anito sabay sabing “The DFA has said (that) the concerned agencies will be conducting its own investigation on how the USS Guardian ended up somewhere along the Tubbataha Reef. As we all know, World Heritage site po ‘yan at hindi po dapat basta-basta nakakapunta diyan lalo (na) it’s a highly protected area.”
Bagamat sa ngayon hindi pa umano mabatid ang lawak ng pinsalang idinulot ng sumadsad na barko sa Tubbataha kaya’t dapat itong mahila sa lalong madaling panahon.
“We have to find out kung no po muna ’yung mga circumstances. As I mentioned yesterday, the primary concern is extricating the ship out of the reef with minimal damage. So hindi pa ho natin makikita ‘yung extent hanggang maitanggal po ‘yan at makababa po ‘yung mga divers natin doon to check what will hopefully be very minimal damage,” ani Usec. Valte.
Sa ulat, noong nakaraang linggo ay kinumpirma ng US Navy na ang kanilang USS Guardian, isang mine countermeasures ship, ay sumadsad sa Tubbataha Reef.
Matatandaang nakikipag-ugnayan na sa US Embassy ang DFA at iba pang ahensya ng pamahalaan para pagbayarin ang Estados Unidos sa mahigit 10 metro ng coral reef sa Tubbataha na napinsala sa pagsadsad ng USS Guardian.