Update: NARESCUE ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) ang dalawang estudyante na biktima ng kidnap for-ransom group matapos masagip ng mga awtoridad sa isang lugar ng Quezon City kaninang umaga Hulyo 6, 2013 (Sabado).
Ito ang kinumpirma kahapon ni Quezon City Police District director Senior Supt. Richard Albano matapos marescue ng mga operatiba ng PNP-Anti Kidnapping Group ang mga biktima na isang 11-anyos na bata at isang 15 anyos na pawang estudyante at anak ng mayamang negosyante.
Ayon kay Albano dakong 5:30 ng umaga kanina nang marescue ng PNP ang dalawang biktima sa isang lugar sa Quezon City na tumangging banggitin ang pangalan ng lugar.
Magugunitang dinukot ng mga miyembro ng kidnap for-ransom group ang dalawang batang biktima sa kahabaan ng Commonwealth at Regalado Avenue, Fairview, QC dakong 6:00 ng umaga nitong nakalipas na Biyernes.
Nabatid sa ulat na sakay ng kanilang sasakyan ang dalawang biktima at minamaneho ng kanilang family driver ang sinasakyan ng mga biktima na isang Mitsubishi Adventure para ihatid ang mga biktima sa kanilang paaralan nang dukutin ng mga suspek.
Subalit pagsapit sa naturang lugar, isang kulay puting Montero ang sumagi sa side mirror na sinasakyan ng mga biktima kaya bumaba ang driver nito para tignan kung ano ang naging sira ng kanilang sasakyan.
Dito na agad tinutukan ng baril ang driver ng mga suspek na tinatayang apat hanggang limang lalaki saka sumakay ang mga suspek at tinangay ang sasakyan kasama ang mga biktima.
Hindi naman binanggit ni Albano kung nagkaroon ng palitan ng putok ng baril matapos isagawa ng PNP ang pag-rescue sa mga biktima o kung nagkaroon din ng ransom sa pagpapalaya sa mga biktima o kung may nadakip na mga susek.
Sinabi pa ni Albano na kasalukuyan pang nagsasagawa ng follow up operation ang PNP para sa pagkakakilanlan ng mga suspek at madakip ang mga ito.
The post 2 batang biktima ng kidnap for-ransom na-rescue ng PNP appeared first on Remate.