IBINASURA ng Pasay City Prosecutors Office ang kasong physical injuries at child abuse na isinampa ng mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barreto laban sa beteranong mamamahayag na si Ramon Tulfo kaugnay sa nangyaring “rumble” sa NAIA Terminal 3 noong Mayo, nagdaang taon.
Batay sa apat na pahinang resolusyon ni Senior Assistant City Prosecutor Manuel Loteyro, ibinasura ang naturang mga kaso laban kay Tulfo dahil na rin sa walang makitang sapat na ebidensiya na magdidiin sa kanya sa kaso.
Sinabi ni Loteyro na hindi maaaring sampahan ng kasong Child Abuse si Tulfo dahil sa ilalim na batas na lumikha nito, maaari lamang kasuhan ang isang tao kung ang pananakit sa bata, maging ito man ay pisikal o psychological ay sinadya, direkta at may paghahangad.
Dagdag pa ni Loteyro, sa ilalim ng R.A. 9262 na naglalahad sa psychological violence, makakasuhan lamang ang isang tao na nagpakita ng karahasan sa isang bata kung may relasyong seksuwal sila ng inaakusahan na hindi naman tumutugma sa kasong isinampa laban kay Tulfo
Hindi rin kinatigan ng piskalya ang akusasyon ng mag-asawang Santiago na sinaktan sila ni Tulfo nang tanungin lamang nila kung bakit sila kinukuhanan ng larawan.
Sinabi ni Loteyro sa kanyang resolusyon na napaka-imposible para sa isang senior citizen na kaagad mananakit gayung tinanong lamang siya ng hindi naman nakakainsultong tanong.
Nauna rito’y ibinasura rin ni Pasay City Prosecutor Theresa Purzuelo ang kasong physical injury, grave coercion at oral defamation na isinampa ni Tulfo laban kay Claudine Barreto subalit inirekomenda naman ang paghahain ng kasong physical injury laban kay Raymart Santiago at kamasahan nilang si Eduardo Atilano.