NGAYON pa lamang ay nagpalabas na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga panuntunan hinggil sa pagbabayad ng sahod para sa regular at special holidays ngayong taong 2013.
Nag-isyu si Labor Secretary Rosalinda Baldoz ng Labor Advisory No. 6 kung saan nakasaad ang ilang rules para sa pagbabayad ng tamang sweldo sa mga empleyado.
Alinsunod sa advisory, ang empleyado na pumasok sa trabaho sa mga araw ng regular holiday ay dapat na pagkalooban ng 200 porsiyento ng kanyang regular salary para sa nasabing araw para sa unang walong oras at karagdagang 30 porsiyento para sa kanyang hourly rate para sa trabahong lampas sa walong oras.
Kung natapat naman ang regular holiday sa araw ng pahinga ng empleyado at pumasok siya, dapat siyang bigyan ng 30% ng kanyang daily rate na 200%.
Para naman sa trabaho na lampas sa walong oras sa nasabing araw ay makakakuha pa siya ng karagdagang 30% ng kanyang hourly rate.
Gayunman, nilinaw ni Baldoz na kung hindi nagtrabaho sa regular holiday ang isang empleyado ay entitled pa rin siya sa 100% ng kanyang sweldo para sa nasabing araw.
Kabilang sa mga regular holiday ang Enero 1 (Bagong Taon), Marso 28 (Huwebes Santo), Marso 29 (Biyernes Santo), Abril 9 (Araw ng Kagitingan), Mayo 1 (Araw ng Paggawa), Hunyo 12 (Araw ng Kalayaan), Agosto 26 (Araw ng mga Bayani), Nobyembre 30 (Bonifacio Day), Disyembre 25 (Pasko), Disyembre 30 (Rizal Day), Eid’l Fitr at Eidul Adha.
Sa kabilang dako, para naman sa mga special nonworking holidays, sinabi ni Baldoz na ipapatupad nila ang ‘no work, no pay’ policy.
Ito’y maliban na lamang kung may paborableng polisiya ang naturang kumpaniya, practice o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng bayad para sa nasabing espesyal na araw.
Kabilang sa mga special nonworking holidays ang Marso 30 (Sabado de Gloria), Agosto 21 (Ninoy Aquino Day), Nobyembre 1 (Araw ng mga Patay), Nobyembre 2 (Araw ng mga Kaluluwa), at Disyembre 31 (New Year’s Eve).