NANINDIGAN si Justice Secretary Leila de Lima na wala siyang nilabag na anumang batas nang sumama sa isinagawang re-enactment ng National Bureau of Investigation sa Atimonan incident.
Ang pahayag ay ginawa ni de Lima kasunod nang pagbatikos sa kanya ng abogado ni Supt. Hansel Marantan na irereklamo nila ang kalihim dahil sa pagbigay ng konklusyon na hindi shootout.
Una nang iginiit ng abogado ni Marantan na si Atty. Crisanto Buela na hindi dapat nakialam si de Lima sa ginawang re-enactment.
Ipinaliwanag ni de Lima na ang NBI ay constituent agency ng DOJ, at bilang kalihim ng kagawaran ay prerogative niya sakaling naisin niyang personal na mag-supervise o mag-monitor rito.
Kaugnay nito, pinayuhan ni de Lima ang mga ito na sa halip na magbato ng kung ano anong isyu ay sagutin na lang ang tunay na isyu, at ito ay kung ano ang talagang nangyari sa Atimonan noong Enero 6 kung saan 13 ang namatay.
Samantala, sinabi ni de Lima na dahil isinurender na ni Marantan ang kanyang baril sa NBI ay naligtas siya sa kasong obstruction of justice na maaaring kaharapin kung tumangging makipagtulungan sa imbestigasyon.