WALA nang reserbang lakas ang Los Angeles Clippers matapos ang tatlong sunod na road trip games at hindi rin naglaro ang kanilang star point guard Chris Paul.
Subalit kontra sa pilay na Minnesota Timberwolves, hindi nila kinailangang mamuwersa.
Tumikada si Jamal Crawford ng 22 puntos, tatlong assists at dalawang rebounds upang lantakan ng Clippers ang Timberwolves, 90-77 kanina sa 2012-13 National Basketball Association, (NBA) regular season.
”It was a bad game for us and to still get a win and finish off a road trip 3-0 is great,” sabi ni Clippers forward Blake Griffin na nag-ambag ng 20 points four rebounds at dalawang assists. ”We needed these three wins, especially with CP out. Other guys stepped up and did a great job.”
May kalamyaan ang laro ng Clippers kaya hindi makalayo ang mga ito kahit wala ang star player ng T’Wolves na si Kevin Love.
May 12 puntos at apat na boards si Butler upang ilista ng Clippers ang 31-9 win-loss slate kung saan ay kalahating laro ang lamang ng Western Conference leader Oklahoma City Thunder.
Samantala, hindi nakalampas ang Los Angeles Lakers sa init na ibinuga ng Miami Heat dahilan upang matalo ang una sa huli, 90-99.
Parehong nangalabaw sina three-time MBP LeBron James at NBA All-Star player Dwyane Wade upang itarak ng Heat ang 26-12 baraha at manatiling nasa tuktok ng Easter Conference.
Bumira si James ng 39 puntos habang 27 ang binakas ni Wade upang lasapin ng Lakers ang kanilang pang-22 na talo sa 39 na laro.
Sa ibang NBA resulta, tinalo ng New York Knicks ang Detroit Pistons, 102-87 na ginanap sa London habang yumuko ang Phoenix Suns sa Milwaukee Bucks, 94-98.