DAHIL may panganib na dala sa kalusugan ng tao, iniimbestigahan na ng Philippine Medical Association (PMA) ang pagkamatay ng tatlong kilalang pulitiko sa bansa sanhi umano ng pagpapa-stem cell treatment sa Germany.
Gayunman, tumanggi munang tukuyin ni PMA President Dr. Leo Olarte ang pagkakakilanlan ng tatlo na pawang matataas ang naging posisyon sa larangan ng politiko sa bansa.
“Nabigyan sila ng mga stem cell treatment na galing sa tupa, rabbit at mga embryonic stem cell at mga stem cell din na galing sa aborted na mga bata o fetuses.”
“Nagkaroon sila ng kumplikasyon pagbalik dito. Nagkaroon sila ng late hypersensitivity graft-host reaction. Dito na sila sa Pilipinas namatay.”
Ayon kay Dr. Olarte, nilapitan na nila ang pamilya ng mga biktima para makakuha ng sapat na detalye ngunit nahihirapan sila sa imbestigasyon dahil ayaw ng iba sa kanila na makipagtulungan sanhi ng kahihiyan.
Sa impormasyon ng PMA, namatay ang mga biktima isang taon mula nang magpa-stem cell treatment sa Germany.
Sa mga bansa aniyang nasa Europa tulad ng Germany ay pinapayagan ang paggamit ng stem cell mula sa hayop tulad ng tupa, rabbit, buwaya, baka, baboy at kalabaw.
Delikado umano ito kaya mahigpit na ipinagbabawal sa Pilipinas at tanging galing lamang sa katawan ng tao ang pinapayagan dito.
Panawagan ng PMA sa mga gustong magpa-stem cell treatment, na huwag nang dumayo sa ibang bansa dahil may mga eksperto naman sa Pilipinas na mga miyembro ng Philippine Society for Stem Cell Medicine na nagsasagawa nito at bukod sa garantisadong ligtas ay mas makakatipid pa.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PMA at Philippine Society for Stem Cell Medicine sa Department of Health (DOH), Professional Regulations Commission (PRC), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) para masugpo ang mga ilegal na gumagawa ng stem cell treatment kabilang na ang mga doktor na hindi awtorisado.
May report ding natanggap ang PMA na may mga doktor at isang klinika sa Germany na nagtutungo sa Pilipinas at nagsasagawa ng stem cell treatment dito.
Mahigpit itong ipinagbabawal dahil tanging sa mga ospital at accredited and licensed medical clinic o medical facilities lamang ito pinapayagang gawin.
Ipupursige ng PMA ang nasabing imbestigasyon para na rin sa kapakanan ng publiko.
The post 3 pulitikong natigok sa stem cell treatment, iimbestigahan appeared first on Remate.