HANDA na ang disaster at rescue teams ng Quezon City para ayudahan ang anumang insidente ng kalamidad ngayong rainy season.
Ito ay makaraang atasan ni QC Mayor Herbert Bautista si Department of Public Order and Safety (DPOS) chief Ret. Gen. Elmo DG. Sandiego na ihanda na ang lahat ng disaster at rescue teams gayundin ang mga kagamitan upang mapunan ang anumang emergency sa mga lugar na binabaha.
Upang makatugon ng maayos sa anumang sakuna ngayong tag-ulan, ang disaster control division (DCD) ng DPOS ay nagsagawa ng kaukulang trainings at skills enhancement programs sa mga tauhan para epektibong makatutugon sa mga distressed residents na dapat mailagak sa ligtas na lugar.
Bukod dito ay mayroon ding mga dagdag na mga durable at crack-resistant rescue boats na magagamit para mailikas ang mga taga QC na apektado ng pagbaha.
Ang DPOS ay may nakaantabay na 4 na rubber boats ,8 fiberglass rescue boats, 188 life vest, helmets, 2 bag lifters, hydraulic combination tools, hydraulic battery operated combination tools, hydraulic ram, 4 sets ng breathing apparatus, vibrascope – a victim location system, trauma vans, ambulances at iba pang kagamitan para sa rescue operations.
Ang QC city government ay may nainstala ding 11 water-level early warning device systems sa tulong ng Department of Science and Technology (DOST) para mabilis na madetermina ang dami ng tubig ulan at upang sa pamamagitan nito ay agad na makapaghanda sila sa inaasahang kalamidad na tatama sa lunsod.
Mamamahagi ang local na pamahalaan ng 20 fiberglass rescue boats sa ilang mga barangay na palagiang binabaha tuwing tag-ulan tulad ng barangays Tatalon, Sto. Domingo, Damayang Lagi at iba pa.
The post Disaster at rescue teams ng QC, handa na appeared first on Remate.