RIZAL – Kapwa sugatan ang dalawang empleyado ng Emperador Brandy matapos na sumalpok sa gulong ng ten wheeler truck ang sinasakyan nilang motorsiklo kaninang umaga sa Antipolo City.
Kinilala ni Rizal PNP director P/Sr. Supt. Rolando Anduyan ang mga biktima na sina Jerick Quisan, 47 anyos, may asawa, checker at Ernesto Borgan,44 anyos, may asawa, forklift operator, kapwa residente ng, 189 MRR st., Brgy. Manggahan, Pasig City.
Kusang loob namang sumuko sa pulisya ang driver ng truck na si Liberato Binata, 35 anyos, may asawa, residente naman ng Binangonan, Rizal.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-11:35 ng umaga sa kahabaan ng Marcos Highway, Brgy. Mayamot, Antipolo City.
Nabatid na galing sa kanilang trabaho ang dalawa sa Emperador Distillers Inc. na matatagpuan sa 1880 Eastwood, Brgy. Libis Quezon City ang mga biktima at papauwi na nang maganap ang insidente.
Sa panayam ng Remate, sinabi ni Quisan na kalalabas lamang nila sa trabaho at papauwi na nang mawalan siya nang kontrol sa manibela ng kanyang pulang Skygo Motorcycle na wala pang plaka at sumalpok sa nagmamaniobrang Isuzu close van na may plakang RJB-594.
“Sobrang pagod at puyat po siguro, kaya nawalan ako ng kontrol sa manibela, nabasag po ba yung emperador sir” ani Quisan.
Himala namang hindi nabasag ang tatlong bote ng emperador brandy na nakalagay sa kanyang backpack.
Nagdulot naman ng matinding pagbubuhol ng trapiko ang naganap na insidente na tumagal nang halos dalawang oras bago nadala sa pagamutan ang dalawang biktima.