WALANG dapat ikabahala ang business sector dahil nanatiling matatag ang pananalapi ng bansa kasabay ng paniniwala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na makababawi rin ang halaga ng piso matapos bumagsak ito sa 11-month low kahapon kontra US dollar.
Sinabi ngayon ni BSP Governor Amando Tetangco Jr. na kanilang inaasahan na umano ang foreign exchange movements dahil sa nakikitang paglakas ng dolyar.
“The peso weakness reflects in part the dollar’s strength overnight… The movements have so far not been misaligned,” ayon sa opisyal.
Tinukoy pa ng opisyal na walang dapat ikabahala ang business sector dahil nanatiling matatag ang pananalapi ng bansa kung ikukumpara sa ibang Asian currencies.
Sa Philippine Dealing System kahapon, naitala sa P42.35 ang halaga ng salapi ng bansa kung ikumpara sa dolyar o mas mababa nang 17 centavos.
Sinasabing ito na ang lowest level ng Philippine currency simula noong Setyembre.
Pero ayon sa mga traders, hindi lamang ang lokal na pananalapi ang humina kundi maging ang ibang Asian currencies, dahil na rin sa pagsigla ng American dollar.
Sa ngayon, sinasabing pinapaboran ng mga investors ang dolyar matapos magtala ng “highest level” ang US consumer confidence data.
Maalala na nitong mga nakaraang buwan, naabot ng Philippine currency ang five-year high sa P40.55 kasunod nang positibong rating na natanggap ng Pilipinas mula sa mga international credit rating agencies.