BUBUO ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng task force na magbabaklas at pipigil sa pamumutiktik ng illegal na posters, streamers at tarpaulins sa pagsisimula ng kampanya sa nalalapit na mid-term election.
Ang pagbuo ng task force ay batay na rin sa direktiba ng Commission on Election (Comelec) na nag-aatas sa ahensiya at maging sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na puksain ang mga ilegal na materyales na ginagamit sa pangangampanya ng mga ma-epal na pulitiko.
Nakikipag-ugnayan na ang MMDA kay DPWH Secretary Rogelio Singson kaugnay sa binabalangkas na pagtatayo ng task force kung saan pag-uusapan ang kawalan ng sasantuhing mga kandidato, maging sa hanay ng administrasyon, sa oras na masilip na may mga paglabag sa paglalagay ng campaign materials.
Kabilang na rin sa mga babaklasin ng MMDA at DPWH ang mga tarpaulin ng mga kandidato na lalagpas sa sukat na itinakda ng Comelec, pati na ang mga nakasabit sa mga kawad ng kuryente, mga delikadong lugar at ang mga nakakatakip sa mga traffic at road signs.
Magugunita na naging matindi ang panawagan ng anti-epal group na No More Epal Campaign kay Comelec Chairman Sixto Brillantes na panindigan ang pagbabawal sa mga kandidato na maglagay ng kanilang materyales sa labas ng itinakdang common poster areas at patawan ng kaukulang kaparusahan ang mga pulitikong lalabag dito.