“I don’t want to be presumptuous; certainly, I will wait for the will of my colleagues.”
Reaksyon ito ni Sen. Franklin Drilon sa umuugong na balita na siya na ang uupong Senate President sa pagsisimula ng 16th Congress sa Hulyo dahil liyamado ang administration senators na nanalo sa katatapos na senatorial race.
Ito rin diumano ang dahilan kung bakit siya ang naging campaign manager ng Team PNoy.
“Aba nakakainsulto naman iyon. Ako’y tumulong para magkaroon ng mayorya ang Senado dahil naniniwala ako na kailangan ng katulong ng Pangulo para maisulong ang kanyang mga repormang inumpisahan noong 2010. Iyan po ang katotohanan,” paliwanag pa nito.
Sa panayam kay Drilon nitong Lunes sa headquarters ng Team PNoy, Makati City, sinabi niya na hindi pa nakatitiyak ang 13 senador kung sino ang kanilang napupusuan hanggang sa pagbukas ng sesyon.
Ang 13 boto ng senador ang dapat na makuha pabor sa mapipiling bagong senate president.
“Talaga namang kailangang magkaroon ng bagong halalan kasi bagong Kongreso ito,” diin pa ni Drilon.
Tinukoy din nito na kwalipikadong maging senate president ang 24 na senador at hindi lang si Sen. Drilon o si Sen. Alan Peter Cayetano na ayon kay Sen. Miriam Santiago na toss up sa pagitan ng dalawa ang bagong liderato ng Senado.
“They’re all qualified. This will be an interesting Senate. A lot of them are very young. We will have new blood in the Senate,” saad pa nito.
Iginiit din nito na wala siyang nakikitang dahilan na hihiwalay ang Nacionalista Party (NP) mula sa majority block.