PINAGHAHANDAAN na ng secretariat ng Kamara de Representantes ang “graduation” ng third at last termers congressmen.
Sinabi ni Rica Dela Cuesta, executive director ng Public Relations and Information Bureau ng Kamara, inihahanda na nila ang isang programa para sa mga kongresistang matatapos na ang termino ngayong 15th Congress.
Gaganapin ang “graduation” dito sa Batasan Complex sa June 5, na huling araw o pagsasara ng kasalukuyang Kongreso.
Ang Kongreso ay magko-convene ngayong June 3 at magtatapos sa June 5, na siyang adjournment sine die.
Mismong si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. mismo ang mangunguna sa graduation rites.
Batay sa rekord ng House Secretariat, 38 kongresista ang pasok sa graduation o naka-tatlong termino.
Kabilang rito sina Cavite Rep. Jun Abaya na ngayon ay DOTC secretary na, at Congressman Sonny Angara na naiproklama na bilang Senador.
Kasama rin sa mga naka-tatlong termino na at magpapaalam sa Kamara sina Edcel Lagman, Teddy Casino, Mitos Magsaysay, Roilo Golez, an Waray Partylist Rep. Bem Noel, Luis Villafuerte, Janette Garin at House Minority Leader Danilo Suarez.
Bagama’t huling termino na bilang kongresista, nanalo naman sa ibang posisyon sa kakatapos na 2013 midterm elections si Oscar Malapitan na siya ngayong mayor ng Caloocan.