PINARUSAHAN ng kamatayan ng mga rebeldeng New People’s Army ang isang elemento ng CAFGU nitong Mayo 13, sa Barangay Casili, Gubat, Sorsogon.
Kinilala ni Samuel Guerrero, tagapagsalita ng Celso Minguez Command ng Bagong Hukbong Bayan, ang biktima na si Adan Fermanes, elemento ng CAFGU.
Ang hatol kay Fermanes ay ibinaba ng Hukumang Bayan noong 2006 matapos siyang litisin sa kasong pagpapakubkob sa isang yunit ng hukbong bayan na nakahimpil sa Barangay Marinas, Sorsogon City kung saan maraming mahahalagang kagamitan at dokumento ng rebolusyonaryong kilusan ang nasamsam ng reaksyunaryong militar.
Gayunman, dahil sa apela ng ilan niyang kaanak na malapit sa kilusan at sa kondisyong aalis siya sa CAFGU, nagpasya ang hukuman na palayasin na lamang si Fermanes at 5 taong pagbawalang tumuntong sa Bikol. Agad na naipatupad ang pagpapalayas sa kanya ngunit bago pa man mag-isang taon ay umuwi rin si Fermanes at muling nag-aktibo sa CAFGU.
Muling isinalang sa deliberasyon ng hukumang bayan ang kanyang kaso. Nito lamang Marso, muling pinagtibay ang hatol na kamatayan sa kanya matapos mapatunayan ang paglahok niya sa strike operation ng 31st IB laban sa BHB sa Barangay Marinas, Sorsogon City noong Nobyembre 2012, kung saan nasugatan ang dalawang gerilya, at sa Barangay Sangat, Gubat, Sorsogon nitong Pebrero 2013.