NAGBABALA ang Commission on Election (Comelec) na ipababaklas ang lahat ng election materials na maagang ipapaskil ng mga kandidato kahit hindi pa panahon ng kampaniya para sa May 13 midterm elections.
Sa pulong balitaan sa Tinapayan, sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na hindi pa maaaring magpaskil ng campaign materials ang mga pulitiko kahit simula na ng election period.
Ayon kay Jimenez, ang simula ng campaign period para sa national candidates at party-list groups ay sa Pebrero 12 pa habang sa Marso 29 pa maaaring mangampanya ang mga kandidato sa lokal na halalan.
“Inaasahan namin na dadagsa sa ngayon ang mga poster, tarpaulins at paglabas sa mga telebisyon ng mga kandidato dahil pagsapit ng campaign period magkakaroon na sila ng limitasyon,” ayon kay Jimenez.
Aniya pa, nakipag-uganayan na ang Comelec sa Department of Public Works and Highway (DPWH) sa pagbabakbak ng early campaign materials para sa mga probinsiya at sa Metro Manila Development Authority (MMDA) naman sa mga Metro Manila.
Samantala, maging ang ‘full publicity’ naman ng isang pulitiko ay babantayan rin nila.
Pinayuhan pa ni Jimenez ang publiko na i-unfriend o i-unfollow ang mga pulitikong makukulit at pilit na pumapasok sa kanilang accounts.
Gayunman, mas mabuti rin aniya kung pag-aralan na lamang ng publiko ang mga karakter ng mga kandidato upang makilala sila nang husto at matukoy kung karapat-dapat silang iluklok sa puwesto.