ALLACAPAN, CAGAYAN – Patay ang dalawang empleyado ng korte matapos silang pagbabarilin ng pinaghihinalaang riding-in-tandem sa tapat ng Matucay Elem. School sa Brgy. Matucay, bayan ng Allacapan, Cagayan noong Martes ng umaga, September 27.
Ayon sa Allacapan police, dead-on-the-spot ang mga biktimang sina Joseph Allan Ragasa, ng Centro, Abulug, Cagayan, legal researcher ng RTC Aparri Branch 09 at Francis Ugalino, 36, ng Cabulluan West, Ballesteros, Cagayan at utility worker ng Municipal Trial Court (MTC) Aparri Branch 01.
Sa imbestigasyon, tinambangan umano ang dalawang biktima habang ang mga ito ay sakay ng minanehong kulay abong Honda Civic na may plakang PPO-378 habang binabagtas ang National Highway sa bahagi ng Allacapan patungong Aparri.
Lulan ng isang motorsiklo, tumapat ang dalawang suspek sa driver seat at pinagbabaril ang mga biktima.
Sa ‘di mabilang na tama ng bala sa mga biktima, agad itong mga nangamatay.
Sa ngayon, patuloy ang follow-up investigation ang local police hinggil sa krimen. ALLAN BERGONIA