NASA 42 kababaihan ang nasagip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa naarestong limang human traffickers sa isinagawang raid, kamakailan sa Quezon City.
Kinilala ni NBI Director Nonnatus Caesar R. Rojas ang mga suspek na sina Byron Fule, manager ng Grandeur Health Club, at taga-53 Torres Bugallon, Sangandaan, Caloocan City; Geneva Vequiso Rollon, cashier, taga-8 Scout Ybardoloza St., Quezon City; Jocelyn Franco Medina, cashier, residente ng 36 Scout Torillo, Bgy. Sacred heart, Quezon City; Antonio Samson Nuevo, ng 11 Madelaine St., Quezon City; at Richard Villegao Orpano, taga 190 Rd. 1, Pag-asa, Quezon City.
Nakatakas naman ang may-ari ng Grandeur Health Club sa isinagawang pagsalakay na si Rod Silverio.
Sa imbestigasyon ng NBI Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD) na pinamumunuan ni Head Agent Dante B. Bonoan, noong nakalipas na Abril 25,2013 nakatanggap sila ng report na ang Grandeur Health Club,isang massage parlor ay maraming nagta-trabahong menor de edad.
Ang prostitusyon at pagmamasahe ang ginagawang front ngunit sila ay binabayaran dahil sa pakikipagtalik sa kanilang mga parukyano.
Agad namang bumuo ng plano ang ahensya para salakayin ang naturang establisimiyento noong Mayo 3, kung saan ilang ahente ang nagpanggap na customer para makapasok sa lugar.
Pagpasok sa establisimiyento ay kaagad silang sinalubong ni Fule at sinamahan sa isang kuwartong tinatawag na “aquarium” para mamili ng babae kung saan pinagbayad sila ng P1,800 para sa massage sevice at bayad sa babae bago sinamahan sa kani-kanilang kuwarto. Habang P1,500 naman ang singil para sa “extra service’.
Sa 42 nasagip, 19 sa mga ito ay mga menor de edad.