KASABAY ng pormal na pagsisimula ng election period sa bansa ay nagpahayag ng pag-asa si Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr. na magiging matapat at malinis ang halalan na nakatakdang idaos sa bansa sa Mayo 13.
“Election period starts NOW — and will end June 12, 2013,” tweet ni Brillantes.
“I pray for a clean, honest, orderly and successful 2013 elections. May God bless us all!” aniya pa.
Kasabay nito, nagsagawa ng inspeksiyon ang Comelec officials sa pangunguna ni Brillantes sa mga checkpoint na inilatag sa Metro Manila simula kagabi.
Kabilang sa mga checkpoint na ininspeksiyon ni Brillantes ay ang sa Manila, Parañaque, Pasay, Makati, Pasig, Marikina, Quezon City at Caloocan.
Pinaalalahanan din ni Brillantes ang mga motorista at mga mamamayan na alamin ang kanilang mga karapatan at mag-ingat sa mga illegal search.
Maging ang mga pulis ay pinaalalahanan ni Brillantes na sumunod sa ipinatutupad na standard operating procedure para sa isinasagawang checkpoint operations, kabilang ang paggamit ng marked police vehicle at kaukulang mga signages.
Ang gun owners naman ay pinaalalahanan rin ng Comelec chief na suspendido muna ang kanilang mga permits to carry firearms outside residence (PTCFOR).
Gayunman, aniya hindi nangangahulugan ito na suspendido rin ang kanilang mga constitutional rights laban sa illegal searches at seizure.
Nagpaalala rin si Brillantes sa mga gun owners na mabigat ang parusa kung mahuhuling lumalabag sa gun ban, na mula pagkabilanggo ng hanggang anim na taon at mawalan ng karapatang makaboto at tumakbo sa anumang public office.
Pinayuhan pa ni Brillantes, ang mga motorista na daraan sa checkpoint sa gabi ay dapat na magbaba ng kanilang headlights, buksan ang ilaw ng kanilang sasakyan, at buksan ang kanilang mga bintana upang makaiwas sa anumang suspisyon o hinala.
Dapat rin umanong identified ang checkpoint at nakakumpletong uniporme ang mga opisyal na nagsasagawa nito.
Mayroon rin umano dapat na marked vehicle sa checkpoint.
Ang checkpoint at election gun ban ay inaasahang magtatapos isang buwan matapos ang halalan sa Mayo 13 o hanggang sa Hunyo 12.